top of page

Mabubuo. Mananatili. Maglalaho, Mauulit.

PAMUMUKADKAD
​
Humiwalay
Hindi para mapalayo sa’yo
Bumitaw
Hindi para maihulog ka
Sinaktan ka
Hindi para magdusa ka
Ang nais ko lang nama’y
Lumaya’t maging payapa



PULA
Ang dating maputla ay naging pula
Ng iabot mo sakin ang mga pulang rosas
Ang kwarto kong dating walang kulay ay tumingkad
Ng maghawak ang ating mga kamay
Ang palad kong nanlalamig ay nakaramdam ng init
Ng sabihin mong “mahal kita”
Ang mukhang maputla at hiyang-hiya ay naging pula
Ang dating maputla ay nagiging pula
Ang dating malabo ay lumilinaw
Ang dating kupas na ay pumupusyaw
​
Sa tuwing napapasaya
Sa tuwing nagtitiwala
Sa tuwing naniniwala
​
Ang dating maputla ay naging pula
Dahil totoo
Dahil magaan
Dahil wagas
Dahil karapatdapat


SANA LAHAT
Sana lahat ng baliko ay matuwid
Sana lahat ng punit ay maidikit
Sana lahat ng gusot ay mapantay
Sana lahat ng basag ay muling mabuo
Sana lahat ng lumayo ay bumalik
Sana lahat ng kumalas ay muling kumapit
Sana lahat ng sugat ay naghihilom
Sana lahat ng sakit ay nalilimot
​
Mga sanang nananatiling sana
Nananatiling permanente
Hindi na mababago
Hindi na mabubuwag
​
Pagkabakilo, pagkapunit,
pagkagusot, pagkabasag
​
Marahang tanggapin
Dahan-dahang lunukin
Unti-unti, isa-isa
Sa paglao’y sana lahat na


PAGPALAOT
Hingang malalim.
Pikit.
Bitaw.
​
“Iiwan na kita”
Mga salitang nagmarkang parang malalim na sugat
Bumasag sa pangakong
Pumalaot man, paniguradong susundan
Dumilim man, palaging dadamayan
Pumait man, hahanapan pa rin ng tamis
Pero nasaan ka? Nasaan ako?
​
Iniwan mo ako dito nakatali sa’yong pangako
Pinipilit kumawala pero talo ng pundasyong itinayo ko dahil sa’yo Pinipilit tanggaping hindi ka na babalik pero mas malakas ang damdaming umaasa
Ang damdaming gustong manatili
Ang dadaming nasanay na
Makapangyarihan parin ang sakit
Hahampas parin ang katotohanan
​
Ngayon, pumalaot ako ng mag-isa
Inabutan ng dilim ng may pangamba
Natikman ang pait pati ang pakla
Wala ng magagawa
Hingang malalim.
Pikit.
Bitaw.
​




SABIK
Yung pakiramdam na ‘di ka mapakali
‘Di mo alam kung nasasabik ka o natatakot ka
Tumitibok ng mabigat ang puso
Nanlalamig ang mga palad at talampakan
Umiinit ang tenga
Tumitirik unti-unti ang mga balahibo sa katawan
Kung anu-ano nang tumatakbo sa isip
​
Yung ganoong pakiramdam
Yung ’di mo maintindihan
Na gusto mong intindihin
Yung ‘di mo alam kung papansinin mo o hindi
Kung ito ba ay dapat mong maramdaman o nagsasayang ka lang ng oras
​
Yung ganoong pakiramdam
Yung asang-asa ka kahit wala namang kasiguraduhan



TANAWIN
Doon tayo sa dati
Kung saan kalmado
Kung saan komportable
Kung saan madali
Doon tayo sa dati
Sa mga pamilyar na yakap
Sa mga siguradong halik
Sa mga salitang nagsasabing
ako’y tinatangi
Doon na lang sana tayo namalagi
Nandito tayo, magkasama sa ngayon
Pero hindi tayo nagtatagpo

ANONG MERON SA
KAWALAN ?
Naroon kaya ang mga kasagutan sa mga tanong na iniiwasan?
Naroon kaya ang mga dahilang pinagdamot ng karamihan?
Naroon kaya ang katuparan ng mga pantasyang inaasam-asam?
Naroon kaya ang pagbalik sa alaala at pagtuwid ng pagkakamali?
Naroon kaya ang pakiramdam ng ginhawa at pagkakampante?
Naroon kaya ang pagtigil ng luha at pagkalma ng isip?
Naroon kaya ang kasiguraduhan?
​
Anong meron sa kawalan?
​
Sa kawalan mo?
​
Sa pagkawala mo?


bottom of page